Ok.Wala naman talagang saysay 'tong entry na 'to. Parang gusto ko lang isulat kung ano ang nararamdaman ko ngayon. Kung ano ang tumatakbo sa magulo kong isipan. At kung ano ang nararamdaman ng makulit kong puso. Sa totoo lang napaka-hirap para sa'kin na tansyahin kung ano ang nararamdaman ko. Sa t'wing susubukan kong gawin 'yon, sumasakit ang ulo ko. Siguro tinatamad 'yung buong sistema ng katawan ko para pag-aksayahan pa ng panahon na isipin lahat ng mga bagay na kaya ko namang hindi na problemahin. Pero minsan kailangan talagang malaman ng tao kung ano na ang lagay ng sarili n'ya. Para alam natin kung pa'no natin haharapin ang buhay sa sarili lang natin. Para maayos natin kung ano man 'yung mga bagay na hindi natin maintindihan. Importante nga siguro na kilala natin ang sarili natin. O sige, aalamin ko. Sino ba ako sa mga oras na 'to?
Mahirap timplahin ang nararamdaman ko ngayon. Nakakalito. Hindi ko maintindihan. Masay ba 'ko o hindi? Ang sabi ng utak ko, masaya daw ako. Siguro dahil may isang tao na nagpapasaya sa'kin sa nakalipas na mga linggo. Pero bakit iba ang sinasabi ng puso ko? Bawat tibok nito, parang sinasabi na merong kulang sa buhay ko ngayon. Kung ano man 'yon, o kung sino man, pakiramdam ko nasanay ako na palagi s'yang nand'yan. Palagi kong nakikita. Palagi kong nakakasama. Tapos sa isang iglap, bigla nalang nawala. Nakakabitin. Nakakabigla.
Gusto ko rin malaman kung ano ang lagay ng puso ko. Nu'ng isang buwan lang, pakiramdam ko gusto nang sumuko nito sa pag-tibok. Nasktan ako. Alam ko ganu'n din 'yung puso ko. Pinag-bawalan ko na 'tong magmahal. Parang gusto n'ya magreklamo, 'di ko s'ya masisisi kasi 'yun ang trabaho n'ya. Dun s'ya nabubuhay. Hindi s'ya titibok kung wala s'yang mamahalin. Pero wala na 'kong magagawa kung 'di s'ya kayang mahalin ng pusong minamahal n'ya. Nakakalungkot, pero 'yun ang totoo. Kaya 'tong puso ko, mag-isa nalang. Nakaka-awa, umiiyak pero walng dapat maka-kita.
'To namang utak kong walang kasing gulo, walang ibang alam gawin kundi gawing complicated ang lahat ng bagay. Sumobra sa talino, pati tuloy sarili kong desisyon panapangunahan. Pinipilit n'yang isipin ko lahat ng masasayang bagay, kaysa magpaka-senti habang buhay. Sabi n'ya isipin ko daw 'yung tao na nakakapagpasaya sa'kin. Pati 'yung mga bagay na ginagawa ng taong 'yon. Totoo, masaya ako. Salamat sa taong nagbibigay sa'kin ng reasons para maging masaya. Siguro tama din ang utak ko kahit pa'no, kalimutan ko muna 'yung mga malulungkot na pangyayari sa buhay ko hangga't may pagkakataon pa para magpaka-saya.
Pero, nagtatalo ang puso ko at ang utak ko. Sabi ng puso ko, alam daw n'ya na magiging mas masaya 'ko du'n sa taong iniiyakan ko. Pero sabi ng utak ko, itigil ko na daw ang pag-iilusyon.
Alam ng puso ko kung ano ang makakapag-pasaya sa'kin. Alam ng utak ko na masasaktan din ako. Tanong ni utak, "'Di ka pa ba naging masaya sa mga nagdaang linggo?" Tanong naman ni puso, "Hanggang kailan naman 'yung saya na 'yon?"
Haay! Mahirap. Nakakalito. Parang sasabog ang ulo ko. Parang puputok ang dibdib ko. Hanggang ngayon nagtatalo parin sila. Pero ako, eto! Naghihintay lang kung anong mangyayari. Nag-aabang lang ng desisyon kung sino ang susundin ko. Bahala na. May tiwala naman ako sa kanila eh!
Sabi Ni Doc: Mas Matalino Ang Puso Kaysa Sa Utak
As told by tuesdayDOOMSDAY
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 responses:
Post a Comment